DALAWANG mahalagang programa ng pamahalaang lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang patuloy na sinusuportahan upang patuloy ding pakinabangan ng mamamayan nito. Ang dalawang programa ay ang Antipolo City Cooperative at Special Program for Employment of Students (SPES).

Sa Antipolo City Cooperative, may tatlong ahensiya ng pambansang pamahalaan ang nagpakita ng suporta. Naganap ito sa idinaos na Cooperative Assessment and Planning Session 2017 ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa Hinulugang Taktak Hall kamakailan. Nakiisa sa programa ang Department of Labor and Employment (DoLE), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Science and Technology (DoST).

Sa bahagi ng mensahe ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, lubos siyang nagpasalamat sa suportang ibinibigay ng pambansang pamahalaan sa mga proyekto ng pamahalaang lokal, sa mga kooperatiba ng lungsod. Nangako rin si Mayor Ynares na patuloy na susuportahan ang mga kooperatiba kasabay ng pagbuo ng mas marami pang programa at resolusyon na tutulong sa pagpaplano ng mga samahan sa lungsod.

Sa idinaos na pagpupulong na pinamunuan ng City Cooperative and Livelihood Office (CCLC), umabot sa mahigit 30 kooperatiba ang dumalo. Ang mga kooperatiba ay mula sa Antipolo City Cooperative Development Council na layuning talakayin ang mga proyekto ng pambansang pamahalaan na makapagbibigay ng karagdagang pondo sa mga kooperatiba.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa SPES ngayong 2017 ay nasa mataas na salary compensation na kaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo. Ayon kay Mayor Ynares, katuwang ang DoLE para sa mga benepisyaryo ng SPES, makatatanggap ng P430 salary rate bawat araw ang mga benepisyaryo ngayong 2017. Ang tatanggaping... suweldo ay mas malaki kumpara sa dating P340 kada araw.

Aabot sa 900 mag-aaral ang mapalad na nabunot sa raffle draw nitong Marso 9 na pinangasiwaan ng Public Employment and Services Office (PESO).

Ayon kay Mayor Ynares, malaking tulong sa mga mag-aaral ang karagdagang halaga sa kanilang sahod. Sa pamamagitan ng nasabing halaga, matutustusan ang mga pangangailangan sa kanilang edukasyon, partikular na ang matrikula at pambili ng uniporme at school supplies.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga mag-aaral na nakasama sa SPES kay Mayor Jun Ynares na ang isa sa binibigyang prayoridad sa pamamahala ay ang edukasyon. (Clemen Bautista)