Pinalaya na kahapon ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang bihag nitong lalaking guro isang linggo makaraan siyang dukutin sa Sulu, kinumpirma ng pulisya kahapon.

Kinumpirma ni Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, ang pagpapalaya kay Ibrahim Potong, guro sa Jolo National High School sa Sulu.

Nabatid na si Potong ay narekober ng mga tauhan ng Maimbung Municipal Police sa Barangay Laum sa bayan ng Maimbung, nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ni Sobejana na kaagad na nakapiling ni Potong ang kanyang pamilya sa Panglima Hawani Village sa Bgy. Latih, Patikul.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaang dinukot si Potong ng mga armado noong nakaraang linggo habang bumibiyahe sa Barangay Buala, Mamibung, pauwi sa Patikul.

Sinabi naman kahapon ni Sulu Police Provincial Office director Senior Supt. Mario Buyuccan na walang impormasyon ang awtoridad kung nagkabayaran ng ransom sa pagpapalaya sa guro.

“Allegedly, it was also the ASG that kidnapped him,” sabi ni Buyuccan.

Nabatid na mahigit 30 pa ang nananatiling bihag ng Abu Sayyaf sa ngayon. (FER TABOY at AARON RECUENCO)