NILINIS o pinawalang-sala ng Office of the Ombudsman si ex-Pres. Noynoy Aquino sa mga bintang tungkol sa P72-billion Disbursement Accelaration Program (DAP), pero may pagkakasala ang kanyang Budget secretary noon na si Florencio “Butch” Abad dahil sa “usurpation of legislative powers”. Kasama ng binatang dating pangulo na nilinis ng Ombudsman si Budget Usec. Mario Relampagos.

Ikinatwiran ng Ombudsman na ang puno ay si Conchita Carpio-Morales, na dahil ang reklamong inihain laban kay Aquino ay pagkatapos na ng kanyang termino bilang presidente, ang tanggapan ay wala nang hurisdiksiyon sa nasabing kaso. Nag-ugat ang kaso ni Abad bunsod ng umano’y ilegal na pag-iisyu ng National Budget Circular No. 541, na nagpapatupad sa DAP. May alegasyon pang ginamit ang DAP sa umano’y “panunuhol” sa mga senador upang ma-impeach si ex-Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Sa news story noong Miyerkules, ganito ang nakasaad sa isang English broadsheet: “Noy absolved over DAP; Abad gets slap on wrist.” Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Bakit tapik lang sa wrist o pulso?”. Bakit daw hindi suntok-ala-Pacquiao upang matauhan si Abad? Bakit daw hindi kinasuhan si ex-PNoy dahil hindi naman daw kikilos at iimbento ng DAP si Abad kung hindi ito alam ng dating pangulo? Parang may katwiran si palabiro-sarkastiko, pero hindi naman tayo ang Ombudsman. Ikaw na ang malakas sa Ombudsman.

Nanindigan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na matutupad ng military na pulbusin ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa loob ng anim na buwan na ibinigay na deadline ni President Rodrigo Duterte. Iniutos ng machong Presidente sa Armed Forces of the Philippines na pulbusin ang tulisang ASG dahil sa pagkidnap, pagpatay at pagpugot sa mga hostage na hindi makapagbigay ng milyun-milyong dolyar o piso kapalit ng kanilang kalayaan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Ang Armed Forces, ang PNP ay patuloy na maglulunsad ng sustained operations laban sa Abu Sayyaf, at sisikapin naming tapusin sila sa ibinigay na deadline (ng Pangulo),” pahayag ni Lorenzana sa harap ng mga kawal nang magtungo siya sa Jolo, Sulu. Ayon naman kay Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu (JTFS), makakaya ng kanyang mga tauhan na pulbusin ang ASG sa loob ng deadline.

Naniniwala si Sobejana na baka wala pang anim na buwan ay mabura na nila sa lupa ang tulisang grupo. “We are using all the might of the... Armed Forces,” bigkas ni Sobejana. Sinabing gumagamit na ngayon ang military ng TA-50 fighter jets laban sa mga terorista. Kasama ni Lorenzana sa pagbisita sa Jolo sina National Security adviser Hermogenes Esperon, Jr. dating AFP chief of staff; AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano, at mga commander ng iba’t ibang military service units. Ipinaalam ni Sobejana kay Lorenzana at sa top officials ng AFP na hinahanting nila ngayon ang 420 bandido sa iba’t ibang parte ng Sulu.

Pasado na sa Kamara ang panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan (death penalty) sa bansa. Gayunman, mahihirapang makausad ito sa Senado na may malayang pag-iisip kumpara sa mga kasapi ng Mababang Kapulungan. Dadaan daw ang death penalty bill sa “butas ng karayom” sa Senado. Ito ay hindi katulad ng Kamara, hindi “rubber stamp” ng Malacañang.

Subalit, may pangamba ang oposisyon na dahil marami sa mga senador ay kaalyado ni Mano Digong, malamang na maipasa rin ito.

Naniniwala ang maraming Pilipino na ang panukalang ipinasa ng mga kongresista ay “malabnaw.” Tanging ang mga krimeng may kaugnayan sa illegal drugs ang papatawan ng kamatayan. Inalis ang mga krimeng plunder (pandarambong), rape at treason. Mismong si Duterte ang nagtanong kung bakit inalis ang rape sa death penalty bill. Dahil dito, nag-isip ang mga kongresista at sinabing maaari pa namang isama ito sa bicameral conference committee report. Eh, ‘yung plunder?

(Bert de Guzman)