Dinampot at ikinulong ng mga pulis ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng baril at granada sa Parañaque City, iniulat kahapon ng Southern Police District (SPD).
Kasalukuyang nakakulong sa Parañaque City Police si Jay Sanchez y Midtimbang, 35, ng Muslim Compound, Ninoy Aquino Avenue, Barangay San Isidro ng nasabing lungsod.
Sa ulat na natanggap ni SPD Director Tomas Apolinario, Jr. dakong 4:00 ng hapon nitong Sabado inaresto si Sanchez ng mga tauhan ng Police Communtiy Precinct (PCP)-Station 4, sa pamumuno ni Chief Insp. Elizaldy Matulac, sa Irasan, Bgy. San Dionisio.
Una rito, nakatanggap ng tawag ang PCP 4 mula sa isang concerned citizen kaugnay ng kahina-hinalang kilos ng isang lalaki sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga pulis at dito naabutan ang suspek na armado ng isang caliber .38 pistol.
Hindi na nakapalag sa mga pulis si Sanchez nang siya’y posasan at dito na nadiskubre ang bitbit niyang granada.
Kinasuhan si Sanchez ng paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms, Ammunition and Explosive Device. (Bella Gamotea)