CEBU CITY – Humingi ng paumanhin si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 7 Director Yogi Felimon Ruiz sa mga naapektuhan sa pagsasapubliko ng litrato ng mga hubo’t hubad na bilanggo ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) at inaako ang responsibilidad sa insidente.
“I apologize if there were those hurt by the photos. I take full responsibility… but it was not meant to embarrass the inmates. We just wanted to make sure they were not hiding any bladed weapons,” sabi ni Ruiz.
Sa kabila ng kontrobersiyang nalikha ng mga nasabing litrato, sinabi ni Ruiz na ipatutupad niyang muli ang pagpapahubad sa mga bilanggo tuwing may raid sa piitan bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad kapwa ng mga bilanggo at ng mga operatiba.
Siniguro naman ni Ruiz na sa susunod ay titiyakin niyang wala nang makakukuha ng litrato ng mga hubo’t hubad na preso.
“I don’t feel demoralized at all. I take it as a challenge and I am ready to do it again,” sinabi ni Ruiz sa 888 News Forum sa Marco Polo Plaza Hotel sa Cebu City kahapon.
Kinuwestiyon din ni Ruiz ang motibo ng mga nagpapasimula ng kontrobersiya tungkol sa litrato ng mga bilanggo, sinabing may mga pagkakataong nasa unang pahina pa ng mga lokal na pahayagan ang litrato ng mga hubad na bilanggo.
“There are some quarters who are trying to capitalize on the picture and we don’t know what their motives are,” ani Ruiz.
Bukas din siya sa ideya ni Cebu Governor Hilario Davide III na pahintulutang sumama ang mga kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga jail raid upang mabusisi ang kanilang operasyon.
Paliwanag ni Ruiz, bago pa man nila isagawa ang Operation Greyhound ay nakatanggap na siya ng mga impormasyon na ilang bilanggo ang armado ng patalim. May mga preso rin na nagtuturok ng gamot na maaaring gumamit ng heringgilya upang manakit ng mga tauhan ng PDEA. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)