SA kabila ng pagtutol at pagkontra ng mga kongresista na pro-life o nagbibigay-halaga sa buhay ng tao, hindi nila napigilan ang mga kasapi ng Kamara na kaalyado nina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Pantaleon Alvarez upang maipasa ang panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan (death penalty) sa pangalawang pagbasa noong gabi ng Miyerkules.
Tanging ang mga krimen na drug-related o may kaugnayan sa droga ang maaaring patawan ng kamatayan. Tinanggal ang plunder sa listahan ng mga krimen na dapat patawan ng parusa.
Tinangka ni Albay Rep. Edcel Lagman, lider ng independent opposition bloc sa Kamara, na magsagawa ng pahina-sa-pahinang amyenda upang magkaroon ng oportunidad na masuri nang husto ang bawat detalye, linya-por-linya at probisyon ng death penalty bill, subalit siya ay laging pinipigilan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House committee on justice, at ng mga alyado.
Sa pinagtibay na panukala, tinanggal hindi lang ang krimeng plunder kundi maging ang mga krimeng treason at rape.
Samakatuwid, ang papatawan lang ng parusang kamatayan ay mga krimeng may kinalaman sa droga. Kung ang death penalty bill ay madali at mabilis na nakapasa sa Kamara, inaasahang mahihirapan ito sa Senado.
Sa resumption ng Oplan Tokhang, hindi makapagbigay ng garantiya si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ang operasyong ito laban sa drug dealers, pushers at users ay hindi magiging madugo tulad ng pagkamatay ng mahigit sa 7,000 sa unang pitong buwan ng Duterte administration.
Binigyan ng go-signal ni Mano Digong si Gen. Bato kung dapat nang ibalik ang mga pulis sa mga lansangan, kalye at barung-barong bunsod ng mga report na nagsibalik na naman ang mga adik sa tiwaling gawain. Nagtatanong ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko kung sa Oplan Tokhang No. 2 ay mga drug lord at big-time suppliers naman ang itutumba ng mga tauhan... ni Gen. Bato. Ito ang ating aabangan.
Nangangamba si senior-jogger na baka dumami na naman ang mapapatay gabi-gabi sa buy-bust operations ng PNP ay ordinaryong nakatsinelas na pushers at users at wala kahit isang drug lord o supplier.
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines na masusukol din nila ang bandidong Abu Sayyaf Group na pumugot ng ulo sa German na si Juergen Kantner nang mabigong makapagbigay ng P30 milyon na hinihingi kapalit ng kanyang kalayaan.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano, ano mang oras ay aabutan at masusukol ng AFP ang tulisang ASG. “There’s an on-going operations and we expect positive results anytime,” pahayag ni Ano. (Bert de Guzman)