Dumulog kahapon ang kampo ni Senator Leila de Lima sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang legalidad ng pag-aresto sa senadora sa kasong drug trading, sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 Judge Juanita Guerrero.

Hiniling ni Atty. Alex Padilla, isa sa mga volunteer lawyer ni De Lima, sa Supreme Court (SC) na mag-isyu ng status quo ante order o ibalik ang sitwasyon bago dinakip ang senadora nitong Pebrero 23.

“Judge Guerrero committed grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction when she issued the order and the arrest warrant. Her acts likewise violated her constitutional, legal and procedural rights,” saad sa 82-pahinang petisyon.

Giit niya, minadali ng huwes ang arrest warrant at hindi muna niresolba ang motion to quash.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hiniling din ng kampo ni De Lima ang temporary restraining order (TRO) upang pahintuin ang paglilitis ng korte sa tatlong kaso ng paglabag umano ng senadora sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, magsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa timing ng pagpapalabas ng arrest warrant laban kay De Lima. (Leonel Abasola, Beth Camia at Rommel Tabbad)