Stephen Curry

Golden States, pinatatag ang liderato sa West Conference.

OAKLAND, California (AP) — Kahit wala si Kevin Durant, pormal na sinungkit ng Golden State Warriors ang playoff berth sa Western Conference sa impresibong 112-95 panalo kontra Brooklyn Nets nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Hataw ang ‘Splash Brothers’ na sina Stephen Curry sa naiskor na 27 puntos at Klay Thompson sa natipang 24 puntos para sandigan ang Warriors sa ikatlong sunod na panalo at ika-49 sa kabuuan ng 58 laro.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Nagmintis si Durant sa unang laro ngayon season bunsod ng injury sa kamay na natamo sa laro kontra LA Clippers.

Nakumpleto ni Curry ang four-point play bago ang halftime para sa 62-51 bentahe sa break. Nagtumpok ang two-time reigning MVP ng limang three-pointer at limang assist.

BULLS 117, CAVALIERS 99

Sa Cleveland, sinamantala ng Chicago Bulls, sa pangunguna nina Dwyane Wade na may 20 puntos at Jimmy Butler na kumana ng triple-double, ang pagkawala ni LeBron James para gapiin ang Cavaliers.

Hindi nakalaro si James bunsod ng ‘strep throat’ at nag-aalala si coach Tyronn Lue kung hanggang kailan makakaantabay ang Cavaliers na wala ang four-time MVP. Mababa ang record ng Cleveland (4-19) sa sandaling nasa bench si James.

Bunsod nito, nakumpleto ng Chicago ang three-game sweep laban sa Cleveland ngayong season.

Naitala ni Wade ang 9-of-18 sa field at may 10 assist at walong rebound.Kumubra si Butler ng 18 puntos, 10 rebound at 10 assist.

Nanguna si Kyrie Irving sa Cleveland sa naiskor na 34 puntos.

HEAT 113, PACERS 95

Sa Miami, hataw si Hassan Whiteside sa nakubrang 22 puntos at 17 rebound, habang tumipa si Dion Waiters ng 22 puntos sa panalo ng Heat kontra Indiana Pacers.

Nag-ambag sina Goran Dragic ng 21 puntos at James Johnson na may 15 puntos sa Miami, naungusan ang Indiana, 30-16, sa fourth period kung saan napatalsik si All-Star forward Paul George bunsod ng dalawang technical foul.

Nanguna sina Myles Turner at Jeff Teague sa Indiana sa naiskor na 18 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

KNICKS 110, 76ERS 109

Sa New York, naisalpak ni Carmelo Anthony ang jumper may 0.3 segundo sa laro para gabayan ang Knicks sa makapigil-hiningang panalo laban sa Philadelphia 76ers.

Nabitiwan ng Knicks ang 17-puntos na bentahe at naghahabol sa isang puntos nang makasikor si Jahlil Okafor may siyam na segundo sa laro. Kaagd na humingi ng timeout ang Knicks para sa final play at hindi nabigo ang crowd nang makaiskor si Anthony sa harap ng depensa ni Robert Covington paera tuldukan ang matikas na 37 puntos na performance.

Nag-ambag si Derrick Rose, ipinain sa trade sa Minnesotta, ng 18 punto habang kumubra si Justin Holiday ng 14 puntos.

Naglaro ang Knicks na wala sina starter Kristaps Porzingis (sprained right ankle) at Joakim Noah (sore left hamstring).

Sa iba pang laro, naihawla ng Orlando Magic ang Atlanta Hawks, 105-86; pinayuko ng Charlotte Hornets ang Sacramento Kings, 99-85; ginapi ng Dallas Mavericks ang New Orleans Pelicans, 96-83; at pinasuko ng Houston Rockets ang Minnesotta Timberwolves, 142-130.