COTABATO CITY – Hindi sangkot ang alkalde at bise alkalde ng Montawal, Maguindanao sa ilegal na droga, taliwas sa pagkakasama ng mga ito sa listahan ng “narco-politicians” ni Pangulong Duterte, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM).
Batay sa mga ulat ng mga lokal na himpilan ng radyo, sinabi ni PDEA-ARMM Director Bryan Babang na hindi sangkot sa droga si Montawal Mayor Vicman Montawal at ama nitong si Vice Mayor Otho Montawal, batay sa masusing imbestigasyon ng ahensiya.
Sa katunayan, iminungkahi ni Babang na ideklarang “drug-free” ang bayan ng Montawal, bagamat ipinoproseso pa ang panukalang ito.
Paliwanag ni Babang, nakapag-ulat ng bentahan ng droga sa Barangay Bulit sa Montawal, ngunit cleared na, aniya, ito ng mga lokal na awtoridad, sa pangunguna ng alkalde at bise alkalde.
Naglaan ang pamahalaang bayan ng P50,000 pabuya sa pagdakip o pagpatay sa bawat isang hinihinalang sangkot sa droga sa komunidad. (Ali G. Macabalang)