2 copy

RP Team vs foreign riders sa 8th Le Tour de Filipinas.

LEGAZPI CITY – Masusukat ang kakayahan at kahandaan ng mga miyembro ng National Team sa pakikipagsabayan sa mga dayuhang karibal na pawang nagnanais na makalikom na UCI ranking sa pagsikad ng 8th Le Tour de Filipinas Stage One ngayon sa isa sa pinagmamalaking lungsod ng Kabikulan.

Wala mang naghihintay na premyon magbibigay ng kaginhawaan sa pamilya, determinado ang mga Pinoy riders mula sa Seven Eleven Sava RBP at Philippine National Team na makipagsabayan sa apat na stage cycling marathon na itinataguyod ng Air21.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bahagi ng International Cycling Union (UCI) Asia Tour, naghihintay ang UCI points para sa mga rider na mangingibabaw sa bawat stage. Ang UCI points ay krusyal para sa mga riders na nagnanais na makalahok sa international competition tulad ng World Championship at Olympics.

Pamumunuan ang lokal team nina Mark John Lexer Galedo, ang 5th edition titlist na kakatawan sa 7-Eleven Roadbike Philippines.

Babantayan nila ang mga tigasing foreign entry kabilang si Frenchman Thomas Lebas , ang 6th edition champion mula sa Kinan Cycling Team ng Japan.

Malaking hamon para sa target ni Galedo na makaulit, higit at kulang sila sa koponan. Ang kasangga nilang si Marcelo Felipe ay kasalukuyang naghahanda para sa pagsabak sa Tour de Langkawi na nakatakda sa Pebrero 22 hanggang Marso 1.

Makakasama ni Galedo sa karera sina dating Asian Juniors road cycling bronze medalist Rustom Lim, RJ Peralta at Spanish rider na si Edgar Nieto.

Ang iba pang mga dayuhang koponan na kanilang makakatunggali ay ang Team Ukyo (Japan), Bridgrestone Anchor Cycling Team (Japan), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Terengganu Cycling Team (Malaysia), LX Pro Cycling Team (South Korea), Uzbekistan National Team, CCN Cycling Team (Laos), Keyi Look Sport Cycling Team (China), United Arab Emirates National Team, Attaque Team Gusto (Chinese Taipei) at Sapura Cycling Team (Malaysia).

Magsisimula ang Stage 1 na may distansiyang 164.49-kilometro sa Legaspi City at magtatapos sa Sorsogon.

“The challenges of the Maharlika Highway in Bicol and Quezon province with the region’s scenic beauty as backdrop provides another perfect setting for the Le Tour de Filipinas,” pahayag ni Donna May Lina, pangulo ng organizing Ube Media Inc.

“The Le Tour de Filipinas is not all about cycling as a sport, but as importantly Ube Media Inc.’s contribution to sports tourism,” aniya.