NGAYON ang Araw ng mga Puso. Happy Valentine’s sa lahat ng aking kababayan. Alagaan ang ating puso, panatilihing malusog, mapagmahal, mabait at walang nakaimbak na galit upang ang ating mundo ay maging tahimik at kaaya-aya sa gitna ng mga problema na bumabagabag sa kasalukuyan!
Ang kinagagalitan naman ngayon ni President Rodrigo Roa Duterte ay ang dating pangulo ng Colombia na si Cesar Gaviria na tulad niya ay buong sidhi at bangis na nakipaglaban sa mga drug lord/trafficker sa nasabing bansa. Nagalit si Mano Digong kay Gaviria sapagkat parang pinangangaralan siya ng ex-Colombian leader tungkol sa hamon at paglaban sa illegal drugs.
Kung natatandaan natin, una niyang nakagalit sina ex-US Pres. Barack Obama, ex-UN Secretary General Ban Ki-moon at ang European Union (EU) dahil sa pagpuna sa kanyang drug war na nagbubunga umano ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs).
Ang kauna-unahang napagbalingan niya ng galit ay si Sen. Leila de Lima dahil noong siya pa ang alkalde ng Davao City ay pinaimbestigahan siya kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa kilabot na Davao Death Squad (DDS) na umano’y kumitil ng may 1,000 kriminal, drug dealer, pusher, user at smuggler. Si De Lima noon ang puno ng Commission on Human Rights (CHR) na nagtungo pa sa Davao City upang magsiyasat. Hindi ito nagustuhan ni Mayor kaya hanggang ngayong siya na ang Presidente ng bansa, ayaw niyang tantanan si Sen. Leila na tinawag niya bilang “Drug Queen” sa New Bilibid Prisons (NBP) na umano’y nagpakulekta ng drug money para gamitin sa kanyang kandidatura.
Sa isang opinion article na inilathala sa New York Times, isinulat ni Pres. Gaviria na ang kanyang deadly campaign laban sa droga ay isang malaking pagkakamali na hindi dapat gayahin o kopyahin ni PDu30. Napatay ni Gaviria ang pinakamatinik na drug trafficker noon sa mundo na si Pablo Escobar subalit hindi rin niya ganap na nasugpo ang ilegal na droga sa Colombia.
Ayon kay Gaviria, hindi dapat gamitin ang military at police sa anti-drug campaign sapagkat magbubunga lamang ito ng karahasan na ang biktima ay ordinaryong mga tao. “That is the message I would like to... send to the world, especially, to President Rodrigo Duterte of the Philippines. Trust me, I learned the hard way.”
Tinawag ni Duterte na isang “idiot” ang dating pangulo ng Colombia dahil sa komento nito sa kanyang pakikipaghamok sa drug menace sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na iginagalang ng Malacañang ang opinyon ni Gaviria at kinikilala na ang problema sa droga ay isang “health pandemic” bukod sa pagiging problema sa pambansang seguridad. Sa ngayon, hindi lang sina Obama, Ban Ki-moon at EU ang mga “idiot” at “tanga”, kundi maging si ex-Pres. Gaviria ng Colombia. (Bert de Guzman)