GENERAL SANTOS CITY – Haharapin ni Ben Mananquil, isa sa sumisikat na boxer ng Sanman Promotions, si dating WBO Asia Pacific Youth bantamweight champion Glenn “The Rock” Porras sa Pebrero 26 sa Lagao Gym sa General Santos City.

“I’m now very excited. I love to fight and Porras wants to fight too. So this will be a war,” pahayag ni Mananquil.

Tangan ni Mananquil ang kartang 12-1-2, tampok ang tatlong knockout, habang tangan ni Porras ang 29-5-0 marka, kabilang ang 7 KOs.

Nakataya sa duwelo ang bakanteng World Boxing Federation (WBF) International bantamweight title sa Sanman’s boxing show na tinaguriang “Rise of the Next Champions”.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sinabi ni promoter Jim Claude Manangquil, Chief Executive Officer ng Sanman Promotions, na kapana-panabik ang laban bunsod nang reputasyon ng dalawang fighter.

Galing si Mananquil, pambato ng Zamboanga del Norte, sa kontrobersyal na technical draw kontra sa wala pang talong si Kwanpichit Onesongchai Gym sa Thailand.

Naitala niya rin ang split draw kay Jing Jiang ng China, ngunit panalo si Mananquil sa huling laban kontra Romulo “Demon” Ramayan Jr. ng Bukidnon noong Dec. 4 sa Robinson’s mall sa GenSan.

Hawak naman dati ni Porras ang WBO Asia Pacific Youth bantamweight title.