NAGTALA si Beyonce ng bagong Instagram record nang ibalita niya ang kanyang pagbubuntis.
Umabot sa mahigit 6.4 million likes at 338,000 comments ang larawan ng singer na kita na ang baby bump, at pahayag na magkakaanak sila ng kambal ng kanyang asawang si Jay Z.
Sa unang oras pa lamang, nagkaroon ito ng halos 2.4 million likes at 166,000 comments.
Tinalo ni Queen Bey ang dating record na larawan ni Selena Gomez – habang umiinom ng softdrinks na may lyrics na You’re the Spark mula sa kanyang patok na kanta na Me & The Rhythm – na nagkaroon ng 6.3 million likes simula noong Hunyo.
Sa Twitter, nagulat din ang BeyHive.
Sa loob ng 45 minuto pagkatapos mag-post si Beyonce, nagkaroon agad ng halos kalahating milyong tweet tungkol sa kanyang pagdadalantao.
Sa loob naman ng 15 minuto, nagkaroon ng halos 17,000 tweet kada minuto tungkol sa post niya, ayon sa social media platform.
Nag-trending din ang “twins”, “Beyonce,” “Blue” at “Beyhive”.
“We would like to share our love and happiness. We have been blessed two times over,” saad sa caption ng mother-to-be sa larawan na nakahawak siya sa kanyang lumalaki nang tiyan. “We are incredibly grateful that our family will be growing by two, and we thank you for your well wishes. – The Carters.”
Ikinasal noong 2008 ang mag-asawa ay mayroon nang isang anak na limang taong gulang, si Blue Ivy. (People.com)