joven copy

LBC Ronda Pilipinas, sisikad ngayon sa makasaysayang Vigan.

VIGAN, Ilocos Sur – Kumpiyansa si Philippine Navy-Standard Insurance skipper Lloyd Lucien Reynante na hindi matitinag sa pedestal ang koponan sa pagsikad ng unang stage ng LBC Ronda Pilipinas ngayon sa makasaysayang lalawigan ng Vigan.

Buo ang loob at tiwala ni Reynante, sa kabila ng katotohanan, na lagas ang koponan nang tatlong pamosong rider, kabilang ang matikas na si Ronald Oranza sa pagpadyak ng 14-day race marathon.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Kasama ni Oranza, nagwagi ng isang leg sa nakalipas na season, na hindi mapapanood ng LBC Ronda aficionado sina El Joshua Carino at Mark John Camingao na kinailangan umanong sumabak sa basic training na kailangan sa Navy.

“They couldn’t join because they are under basic seaman course,” pahayag ni Reynante.

“But I’m still confident of our chances this year because we have a combination of experience and youth,” aniya.

Nakasalalay sa mga kamay at matitibay na tuhod nina Jan Paul Morales, nagwagi ng dalawang leg sa 2016 edition, ang 2009 Tour king na si Joel Calderon, at bihasang sina Rudy Roque at Ronald Lomotos ang kinabukasan ng Navy sa torneo na may nakalaang P1 milyon para sa individual champion.

May natatanaw ding pag-asa si Reynante sa bagitong miyembro na sina Jay Lampawog, Daniel Ven Carino at Archie Cardana, pawang sumasabak sa under-23 tourney.

“I see a lot of promise with my under-23 riders, they pull off a lot of surprises,” sambit ni eynante.

Kasama ang iba pang mga siklista, kaagad na nagsagawa ng magaang na ensayo kahapon ang Navy sa kapaligiran ng lungsod na kabilang sa pinakapipitagang UNESCO World Heritage Site.

“We’re excited this year because we have a lot of new faces,” pahayag ni LBC Ronda project director Moe Chulani.

Kaloob ang P1 milyon premyo ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Inaasahang magbibigay din ng impresibong laban ang Army Kinetix Lab, Go for Gold, Bike Extreme, Ilocus Sur, Mindanao Sultan Kudarat, Iloilo, NCR RC Cola, Tarlac, Neopolitan, South Luzon at Zambales team.

Magsisimula ang karera sa ngayon tampok ang dalawang stage at tatahak patungong Angeles (Feb. 8), Subic (Feb. 9), Lucena, Quezon (Feb. 12), Pili, Camarines Norte (Feb. 14 at 16), Daet (Feb. 17), Paseo in Sta. Rosa, Laguna (Feb. 19), Tagaytay and Batangas (Feb. 20), Calamba and Antipolo (Feb. 21) bago ang pagtatapos sa Iloilo City sa Marso 2, 3 at 4.