BEIJING (AP) — Ipinasara ng Communist Party ang 111 golf course sa China, kasabay ang pagbabawal sa mga miyembro na umiwas na maglaro ng golf.
Sa ulat ng state-run Xinhua News Agency nitong Linggo, ipinasara ang mga golf course bunsod nang kakulangan sa tubig, at pagkasira ng kapaligiran.
Noong 2004, ipinagbawal na sa China ang pagtatayo ng mga bagong golf course na noo’y may bilang lamang na 200. Ngunit, unti-unting lumobo ang bilang sa nakalipas na taon.
Bunsod ito ng ginawang pang-aabuso ng mga developer na dapat sana’y public sports park ang itayo, ngunit kalaunan’y golf course ang itinuloy na proyekto.
Nagbabala ang Communist Party sa 88 milyon miyembro nitong 2015 na iwasang maglaro ng golf, na inilarawan bilang “extravagant eating and drinking”.
Ayon sa Xinhua, bawat lalawigan ng China (33) maliban sa Tibet ay may golf course. Maging ang bulubunduking Xinjiang – tahanan ng mga Chinese ethnic Uighur – ay may golf course na hindi naman napaglalaruan at napapakinabangan.