Walang matigas na tinapay sa mainit na kape.

Ito ang idiniin ni Presidential spokesman Ernesto Abella kahapon nang hikayatin niya ang mga pinuno ng Simbahang Katoliko na makipagdayalogo sa Pangulo kaugnay sa mga batikos sa kampanya kontra droga ng administrasyon.

“Let’s approach it na iisa lang tayo na iisa lang ang hangarin natin na magkaroon tayo ng bayan na matiwasay, prosperous, and maaliwalas,” aniya sa panayam ng radio DZMM kahapon.

Sa oath-taking ceremony ng mga bagong promote na Philippine National Police (PNP) sa Malacañang noong Huwebes, muling pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Simbahang Katoliko sa pagbatikos sa kanyang war on drugs.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Duterte na walang moral ascendancy ang Simbahang Katoliko na batikusin ang war on drugs ng bansa kung hindi nito mabibigyan ng hustisya ang mga batang biktima ng pangmomolestiya ng mga pari.

Ipinaliwanag ni Abella na ang tinutukoy ng Pangulo ay ang institusyon at hindi ang mga Katoliko sa kabuuan.

Ayon kay Abella, sumagot lamang ang Pangulo sa mga komento ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani noong Miyerkules na kinondena si Duterte at ang PNP sa patayan kaugnay sa war on drugs.

Nang tanungin kung handa naman ang Pangulo na makipag-usap sa Simbahang Katoliko, sinabi ni Abella na, “Wala naman sigurong matigas na tinapay sa mainit na kape.”

Sinabi naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, pinuno ng CBCP- Public Affairs Committee na hindi perpekto ang mga taong simbahan, ngunit kailangan pa rin nilang ipahayag kung ano ang tama at nararapat, “even if they themselves fall short of what they teach.” (Argyll Cyrus B. Geducos at Leslie Ann G. Aquino)