Winning streak ng Rockets, ibinagsak ng Miami Heat.

MIAMI (AP) — Nasalo ng Miami Heat ang suwerteng bumuhos sa dikdikang duwelo sa humahataw na Houston Rockets.

Hataw si Goran Dragic sa natipang 21 puntos at walong assist, habang kumana si Wayne Ellington ng 18 puntos mula sa bench para sandigan ang Heat — tangan ang pinakamasamang record sa NBA sa kasalukuyan – sa matikas na 109-103 panalo nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

At nagawa ng Heat ang panalo sa harapan ng isa pang triple-double performance ni Rockets guard James Harden.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag sina Dion Waiters ng 17 puntos, Tyler Johnson na may 16 at James Johnson na tumipa ng 15 para sa Heat.

"I'm glad to see our guys get rewarded finally for all the work, but that doesn't guarantee anything," pahayag ni Heat coach Erik Spoelstra.

"We talk about it all the time. You keep on putting in deposits, to the team, to the work, continue to work to get better ... trust that process."

Naitarak ni Harden ang 40 puntos, 12 rebound at 10 assist para sa ika-13 triple double ngayong season. Ngunit, hindi ito nagbigay ng panalo sa Rockets (32-12).

Kumubra si Montrezl Harrellng 13 puntos, habang umiskor si Patrick Beverley ng 12 puntos para sa Rockets.

RAPTORS 119, NETS 109

Sa New York, hataw si DeMar DeRozan sa naiskor na 36 puntos at 11 rebound, habang nakubra ni Cory Joseph ang career-high 33 puntos sa panalo ng Toronto kontra Brooklyn.

Nailista ng Toronto ang ika-apat na sunod na panalo, habang nahila ang pagdurusa ng Brooklyn sa natamong ika-11 sunod na kabiguan.

Nag-ambag si Terrence Ross ng 15 puntos sa Raptors, umabante sa maagang pagkakataon sa naibabang 11-0 run sa first quarter.

Nanguna si Brook Lopez sa Nets sa naiskor na 28 puntos.

MAVERICKS 99, BULLS 98

Sa Chicago, naisalpak ni Wesley Matthews ang go-ahead three-pointer may 12 segundo ang nalalabi para gabayan ang Dallas Mavericks kontra Bulls para sa unang three-game winmning streak ngayong season.

Umiskor ng double digit ang anim na Mavs, kabilang sina Harrison Barnes na may 20 puntos, Seth Curry na may 18 puntos at si Dirk Nowitzki na tumapos ng 19 puntos at 10 rebound.

Nanguna si Carom Butler sa Bulls sa naiskor na 24 puntos at 12 assist at siyam na rebound.