NAGSAGAWA ng ‘strategic planning’ ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) nitong weekend sa Baguio City.

Pinangasiwaan nina Sports Scientist Eski Ripoll at Marcus Manalo (ABAP Sports Psychologist) ang programa kasama sina national coach Pat Gaspi, strength and conditioning coach Mark Limbaga, MVPSF’s Art Aro, ABAP nutritionist Arabella Ripoll, AIBA tournament supervisor Karina Picson , ABAP Executive Director Ed Picson at ABAP Vice-President at dating Baguio City Mayor Peter Rey Bautista.

Ang dalawang araw na workshop ay tumalakay sa responsibilidad ng bawat isa sa organisasyon, gayundin ang pagpapatibay sa katauhan ng mga boxers at sa haharaping mga pagsasanay at bagong programa para sa paghahanda sa kompetisyon, kabilang ang nalalapit na SEA Games sa Malaysia.

Nakiisa rin si PSC Commissioner at basketball legend Ramon Fernandez sa talakayan nang personal na bisitahin ang koponan sa national training center sa loob ng Teachers Camp.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Iginiit ni Fernandez na suportado ng pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng ABAP para makamit ang minimithing tagumpay, higit ang kauna-unahang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics.

Ang boxing ang sports na tunay na may panlaban ang bansa sa Olympics. Sa kabuuan ng paglahok ng Pilipinas sa quadrennial Games, nakapag-uwi ang bansa ng apat na medalya sa katauhan nina Anthony Villanueva (silver, 1964 Tokyo); Leopoldo Serrantes (bronze, 1988 Seoul, South Korea); Roel Velasco (bronze, 1992 Barcelona, Spain) at Mansueto ‘Onyok’ Velasco (silver, 1996 Atlanta).