Kusang lumantad kahapon ang dalawa sa tatlong asset ng limang pulis na akusado sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyante sa Upper Carmen, Cagayan de Oro City noong Oktubre 2016.
Sumuko kay Regional Trial Court (RTC) Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos matapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado na sina Federico Guevarra at Rolando Udasco.
Kabilang sina Guevarra at Udasco sa nakunan ng CCTV camera nang sapilitang pinasakay sa grupo ni Sr. Insp Ereneo Ramirez ang biktima na si Enrique Fernandez III mula sa isang condotel.
Inihayag ni Sr. Insp. Maricris Mulat, Divisoria Police Station commander, na agad pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang sala ni Bollozos upang ikumpirma ang pagsuko ng mga suspek.
Dinala na sa Cagayan de Oro City Lumbia Jail sina Guevarra at Udasco.
Si Ramirez, kasama ang mga tauhan na sina PO3 Alejandro Ubanan, SPO 2 Jojo Lim, SPO 1 Alaindelon Tacubao-ug,PO2 Sangkula Hussein ay naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 2016.
Ikinagalak ng pamilyang Fernandez ang pagsuko ng dalawang akusado. (Fer Taboy)