Duguang bumulagta ang isang drug suspect nang manlaban umano sa mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Binangonan, Rizal, iniulat kahapon.

Dakong 10:00 ng umaga kamakalawa nang maglunsad ng buy-bust operation ang Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) ng Rizal Provincial Police Office, sa pangunguna ni PO3 Omar Halim, para dakmain ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Liit”, sa Sunny Vale 3, Barangay Palangoy, Binangonan.

Natiyempuhan naman ng mga awtoridad ang suspek na may baril sa beywang, at nang lalapitan na ito ay bigla umanong tumakbo papalayo.

Hinabol naman ng mga pulis ang suspek hanggang sa makorner ito.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Gayunman, sa halip na sumuko ay binunot pa umano nito ang kanyang .38 revolver at nakipagbarilan sa mga pulis hanggang sa siya’y bumulagta.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver at walong transparent sachet ng shabu, at drug paraphernalia.

(Mary Ann Santiago)