SAN ANTONIO, Texas (AP) – Hindi matatawaran ang kontribusyon ni Tim Duncan sa tagumpay ng San Antonio Spurs at sa NBA sa kabuuan.
Kaya’t marapat lamang na ipagkaloob sa kanya ang parangal na naaayon na isang royalty, sa isang kampeon, scoring leader at Most Valuable Player sa araw ng kanyang pagreretiro.
Opisyal nang itinaas sa atip ng AT&T Center ang No.21 jersey ni Duncan sa seremonyang magkahalo ang saya at kalungkutan matapos balikan at gunitain ang nakalipas sa 20 taong career sa NBA ng future Hall-of-Famer nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Sinimulan ang retirement ceremony para sa five-time NBA champ, two-time MVP, at three-time Finals MVP matapos pabagsakin ng Spurs ang Pelicans, 113-100.
Bawat isa, mula kay coach Popovich, hanggang sa kanyang teammate at kapwa All-Star, naglaan ng kapirasong oras para parangalan ang itinuturing isa sa pinakamahusay na power forward sa kasaysayan ng liga.
Tumayong emcee ang dating teammate na si Sean Elliott kung saan inilarawan niya si Duncan na isang ‘ultimate teammate’ at kung paano niya napabago ang katayuan ng Spurs organization sa level ng NBA at iba pang professional sports.
Mula sa kalungkutan, naging masaya ang tagpo nang magsimulang magsalita si Tony Parker.
“Timmy is a superstar plus plus, he’s by himself. Timmy will play the game so easy. I would talk to Manu (Ginobili) and say, ‘Timmy was not that good tonight, he had like 30 points and 20 rebounds,” pahayag ni Parker.
“Timmy’s got superpowers with his eyes, too. He’s the only teammate who never asked me or talked to me to get the ball, he just looks at me. And when you’re 19 years old coming from France, that’s very scary when he looks at you,” aniya.
“You’ve always been the perfect example to follow … except with the clothing,” pabiro ni Parker na umani ng tawanan sa crowd.
Iginiit naman ni Manu Ginobili na labis ang sakripisyo ni Duncan para mapanatili ang lakas at pagiging kompetitibo ng Spurs.
“He was the one always being ready to give you a hug, a pat in the head, so many pats on the head, you know what happened up there,” aniya.
Nagbigay din ng tribute ang mga dati niyang kasangga sa Wake Forest, sa pangunguna ni coach Dave Odom.
Sa huli, luha ang hatid ng mga mensahe ni Spurs coach Gregg Popovich na nagsilbing ikalawang ama ni Duncan sa kanyang pananatili sa San Antonio sa nakalipas na dalawang dekada.
“I promise I would not use this tissue so I’m not gonna do it,” aniya.
“This is the most important comment that I can make about Tim Duncan, that I can honestly say to Mr. and Mrs. Duncan, who have passed, that that man right there,” garalgal na pahayag ni Popovich “is exactly the same person now as he was when he walked in the door.”