ANAO, Tarlac - Apat na magkakaanak, tatlo sa mga ito ang menor de edad, ang kaagad na namatay habang walong iba pa ang nasugatan makaraang bumaligtad ang isang van matapos itong araruhin ng isang chemical tanker sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Barangay San Jose North sa Anao, Tarlac.
Mabilis ang utos ni Senior Insp. Manolito Jandoc, hepe ng Anao Police, para rumesponde ang kanyang mga tauhan matapos nilang tanggapin ang report dakong 6:30 ng umaga kahapon.
Sa panayam naman kay PO2 Mark Santos, sinabi niyang bandang 4:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente matapos na tangkain ng tanker na lumusot sa unahan ng van.
Dahil may makakasalubong na kotse, umiwas ang tanker at tuluyang inararo ang van.
Pawang sakay sa van ang mga nasawi na sina Kimberly Rose Arellano, 17; Crisel Arellano, 15; Crisel Mae Arellano, 15; at Marlyn Arellano, pawang taga-Taguig City.
Kabilang naman sa walong nasugatan ang dalawang driver na sina Remegio Mercado ng Dinalupihan, Bataan; at Hadji Undayag, ng Marikina City.
Nabatid patungong Baguio City ang van nang mangyari ang aksidente. (Liezle Basa Iñigo)