feu-copy

Kinumpleto ng Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation-Gerry’s Grill ang dominasyon sa impresibong 103-83 panalo kontra Emilio Aguinaldo College para tanghaling kampeon sa 2016 MBL Open (Second Conference) basketball tournament kamakailan sa EAC Sports Center sa Ermita, Manila.

Ito ang kauna-unahang titulo ng FEU-NRMF sa bwena-manong paglahok sa prestihiyosong collegiate league na itinatag noong 2000.

Tinanggap nina FEU-NRMF manager Nino Reyes at coach Pido Jarencio, Bonnie Tan at Beaujing Acot ang tropeo mula kay dating PBA coach at league commissioner Arturo Valenzona sa awarding ceremony.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pinangunahan nina Christian Manalo at Fil-Canadian sensation Clay Crellin ang nakabibilib na opensa ng FEU-NRMF upang tiyakin ang panalo sa naturang kompetisyon na itinaguyod ng Smart Sports, Ironcon Builders, Star Bread, Dickies Underwear at Gerry’s Grill.

Kumana si Manalo ng 22 puntos, habang si Crellin -- nahirang na MVP – ay kumubra ng 19 puntos.

Agaw eksena rin ang ex-PBA star na si Jerwin Gaco, na tumipa ng 15 puntos para sa FEU-NRMF-Gerry’s Grill.

Naging malaking bahagi rin ng panalo ang mga import na sina Bright Akhuetie at Moustapha Arafat, na umiskor ng 17 at 9 puntos, ayon sa pagkasunod.

Ang dalawang African import ay nagbigay sigla rin sa kanilang mga showtime play para sa FEU-NRMF.

Bagamat natalo, naging impresibo rin ang pakikipag-tagisan ng EAC nina coach Ariel Sison at asst. coach Bong Melocoton sa mas beteranong FEU-NRMF side.

Nanguna sina Sidney Onwubere, Hamadou Laminou, Juju Bautista, Jerome Garcia at Jeanu Gano para sa Generals, ilang ulit na nagtangkang humabol bago tuluyang natalo.

Humirit si Onwubere ng 19 puntos habang nag-dagdag ang 6-10 na si Laminou ng 14 puntos para sa Generals, itinuturing na most improved MBL team dahil sa runner-up finish.

Sa nakalipas na MBL First Conference nitong Mayo, tumapos sa ikaapat ang EAC.

Iskor:

FEU-NRMF-Gerry’s Grill (103) -- Manalo 22, Crellin 19, Akhuetie 17, Gaco 15, Raymundo 10, Arafat 9, Banzali 5, Camacho 4, Zamora 2, Tan 0, Asoro 0.

EAC (83) -- Onwubere 19, Laminou 14, Bautista 10, Garcia 9, Gano 9, Aguas 5, Bugarin 5, Diego 5, Mendoza 3, Altiche 2, Martin2.

Quarterscores:

29-16, 55-40, 82-65, 103-83.