Career-high 60 puntos kay Klay Thompson; Ikaanim na sunod na triple-double kay Russell Westbrook.

OAKLAND, California (AP) – Mainit at nangangalit ang pulso ni Klay Thompson tungo sa pagkubra ng career-high 60 puntos – pinakamatikas na individual scoring sa kasalukuyang season – tungo sa dominanteng 142-106 panalo ng Golden State Warriors kontra Indiana Pacers nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Oracle Arena.

Mula sa 11-10 bentahe ng Indiana, sumambulat ang outside shooting ng Warriors, sa pangunguna ni Thompson na tumipa ng 17 puntos sa first period.

Hindi naawat ng anumang depensa ng Pacers si Thompson para maitumpok ang 23 puntos para sandigan ang Warriors sa 80-50 bentahe sa halftime.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagpatuloy ang ratsada ni Thompson sa third period kung saan napalobo ng Golden State ang bentahe sa 40 puntos at makubra ni Thompson ang 60 puntos – pinakamaraming puntos para sa indibidwal mula nang makaiskor si Kobe Bryant ng 62 noong 2005.

Naitala ni Thompson ang mataas na 21-of-33 sa field goal, kabilang ang 8-of-14 mula sa three-point area at 10-10 sa free throw.

Ito ang ika-30 pagkakatoan sa kasaysayan ng prangkisa na may player na nakaiskor ng 60 puntos. Nagawa ito ni Wilt Chamberlain sa impresibong 27 pagkakataon. Huling Warrior na nakaiskor ng 60 pataas (64) ay si Rick Barry noong 1974.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 20 puntos at walong rebound, habang kumana si Steph Curry ng 13 marker at 11 assist.

THUNDER 102, HAWKS 99

Sa Atlanta, naitala ni Russell Westbrook ang ikaanim na sunod na triple-double -- 32 puntos, 12 rebound at 13 assist – para sandigan ang Oklahoma City Thunder kontra Hawks.

Ang all-around performance ng All-Star guard ang nagbigay sa Thunder nang matikas na kartang (14-8) at 5-4 sa road game. Bagsak ang Hawks sa 10-12.

Dalawang laro na lamang ang kailangan ni Westbrook para lagpasan ang seven straight triple double na nagawa ni basketball icon Michael Jordan noong dekada 80.

Nag-ambag si Victor Oladipo ng 14 puntos at anim na rebound, habang tumipa si Steven Adams ng 12 puntos at 10 board.

Nanguna sa Hawks si Paul Millsap sa naiskor na 24 puntos.

CAVALIERS 116, RAPTORS 112

Sa Toronto, natuldukan ng Cleveland Cavaliers ang three-game losing skid nang gapiin ang Raptors.

Nailista ni LeBron James ang 34 puntos, habang kumubra si Kevin Love ng 28 puntos at 14 rebound. Kumana si Kyrie Irving ng 24 puntos para sa ika-14 na panalo ng Cavs sa 19 laro.

Nagsalansan si DeMar DeRozan ng 31 puntos at humirit si Kyle Lowry ng 24 puntos para sa Raptors.

Sa iba pang laro, naisalba ng San Antonio Spurs ang 15 puntos na paghahabol para maungusan ang Milwaukeer Bucks, 97-96; ginapi ng Charlotte Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na tumipa ng 19 puntos, ang lagapak na Dallas Mavericks, 109-101; naungusan ng Portland Trailblazers ang Chicago Bulls, 112-110; nagtala ng triple double – 28 puntos, 11 rebound at 11 assist – si Marc Gasol sa 110-108 double overtime win ng Memphis Grizzlies kontra New Orleans Pelicans; at pinasabog ng Houston Rockets ang Boston Celtics, 107-102.