MABIBILANG lang sa daliri ang mga opisyal sa ating pamahalaan na handang ibuwis ang buhay kapag nadungisan ang pinaka-iingatan nilang dangal at pangalan. Kabalintunaan naman ito sa bilang ng mga kapit-tuko sa kanilang mga posisyon kahit umaalingasaw na ang kabulukan na kanilang ginagawa habang nakaluklok sa kanilang trono.

Kabilang sa “rare breed” na ito si Energy Regulatory Commission (ERC) director Francisco Villa Jr., na natagpuan patay sa kanyang bahay nitong Nobyembre 9 at nag-iwan pa ng “suicide note” na naglalaman ng sanhi ng kanyang pagpapakamatay—dahil ‘di niya napigil ang mga umano’y maanomalyang bidding at pagtatalaga ng mga “consuholtant” sa ERC, na pilit ipinalusot ng kasalukuyang pamunuan ni Chief Operating Officer Jose Vicente B. Salazar.

Para sa akin ay isang pagha-HARAKIRI ang ginawa ni Koyang Jun (tawag ng kasamahan namin na dating reporter ng ABS-CBN na si Charie Villa sa kanyang nakatatandang kapatid) – ang pagkitil sa sariling buhay ng mga mandirigmang Hapones na kung tawagin ay SAMURAI, upang sa sariling mga kamay mamatay nang may dangal sa halip na mapatay ng mga nagbubunying kalaban.

Kuwento ni Charie, ang mga notes na iniwan ng kanyang Kuya ay nagpapahayag sa mga panggigipit na ginagawa ng mga bossing nito para palusutin niya ang sinasabing mga ilegal na kalakaran sa ERC. Hindi nakayanan ni Jun ang mga pressure na ito kaya’t minabuti pa niyang wakasan ang sariling buhay huwag lamang maging bahagi ng mga iregularidad na magiging dagdag pahirap lamang sa mga mamamayang Pilipino na nagbabayad ng buwis – isa si Jun sa mga makabagong mandirigmang Samurai na Dugong Pilipino…Salute!

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Palagay ko naman ay hindi masasayang ang sakripisyong ito ni Jun, dahil bago pa man makatapos sa dinaluhan niyang Asia Pacific Economic Conference (APEC) na ginanap sa Lima, Peru ay ipinahayag na agad ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kanyang pagkadismaya sa mga pinuno ng ERC at inatasan niyang magsipag-resign na agad ang mga ito.

Nagbanta pa si PRRD na kapag tumangging magsipag-resign ang mga opisyal ng ERC, mapipilitan siyang balasahin ang buong tanggapan, o kaya nama’y pakikiusapan niya ang... Kongreso na huwag bigyan ng budget ang ERC para tuluyang na niya itong i-disband, at sampahan ng kaso ang mga magmamatigas na opisyal.

“Binastos nila. They really abused the system…just like in the past,” galit na pahayag ni PRRD sa pulong-balitaan na isinagawa bago siya lumipad pabalik sa bansa. Sinabi pa ni PRRD na may dokumento siyang hawak na magpapatunay sa mga kalokohang pinaggagagawa ng mga nakaupo sa ERC kaya’t humanda ang mga ito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)