LAOAG CITY, Ilocos Norte – Bagamat hindi pa napagdedesisyunan ang petsa ng paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Taguig City, naihanda na ang espesyal na hinabing pabaon para sa pinakamamahal na dating presidente ng lalawigan.
Pinaghusayan ni Magdalena Gamayo, 92, ang master inabel weaver mula sa bayan ng Pinili, at ng iba pa ang paghabi sa espesyal na pabaon para kay Marcos.
Ang inabel ay isang tela na hinabi sa tradisyunal na paraan ng mga Ilokanong artisan.
“Masaya ako na ako ang napiling humabi ng pabaon, pero malungkot din dahil gumagawa na naman ako ng pabaon para sa taong mahal ko,” sabi ni Gamayo, na personal ding naghabi ng pabaon para sa yumao niyang asawa at anak na babae.
Paliwanag naman ni Stella Gaspar, curator ng Taoid Museum, ang tradisyong Ilokano na pabaon ay “the way of giving them [pumanaw] what they need in the afterlife. You give them their important personal belongings…something that represents their occupations.”
“Pabaon is also a way of honoring the deceased,” dagdag ni Gaspar.
Sinabi ni Gamayo na ang pabaon para kay Marcos, na pito at kalahating yarda ang haba, ay purong puti na may ruffles sa gilid. Gayunman, espesyal ang pabaong ito dahil may mga disenyo itong bulaklak—na kauna-unahan sa kasaysayan ng paghahabi ni Gamayo.
Taong 2012 nang gawaran si Gamayo ng Gawad Manlilikha ng Bayan (National Living Treasure Award). (Freddie G. Lazaro)