SUAL, Pangasinan – Muling makakapiling ng 17 mangingisdang Vietnamese ang kani-kanilang pamilya matapos na pangunahan kahapon ni Pangulong Duterte ang ceremonial send off sa mga dayuhan sa Sual Sea Wharf at Causeway Area.

Pauwi na sa Vietnam sina Tran Huu Trung, Bui Van Liem, Nguyen Van Phuong, Nguyen Gio, Dinh Thien Son, Le Tien, Vo An, Vo Thien, Tran Huu Phuc, Huynh Thanh Thang, Le Thanh Trung, Nguyen Duy Cuong, Bui Van Luom, Pham Huu Tuy, Tran Hoang Kim, Hynh Ngoc Tuan at Do Thien Loi, minor.

Matatandaang inaresto ng Philippine Navy ang 17 dayuhan habang ilegal na nangingisda sa bayan ng Sta. Catalina sa Ilocos Sur, sakay sa tatlong bangkang pangisda, noong Setyembre 8.

Matapos namang bumisita si Pangulong Duterte sa Vietnam nang buwang iyon ay ipinag-utos niya ang pagpapalaya sa mga mangingisda.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon sa ulat, kinasuhan ng poaching ang mga Vietnamese ngunit nitong Oktubre 7 ay ibinasura ni Associate Provincial Prosecutor Meinrado Plete sa Vigan City ang nasabing kaso.

Iginiit ng mga dayuhan na nakarating sila sa karagatan ng Pilipinas “to protect themselves by an incoming typhoon”.

Gayunman, sa halip na sa Vigan ay sa Sual, Pangasinan ginawa ang send off dahil nasa nasabing bayan na ang mga dayuhan, gayundin ang kanilang mga Bangka.

LUBOS ANG PASASALAMAT

Bakas naman sa mukha ng mga Vietnamese ang labis na kasiyahan na makauuwi na sila sa kanilang bansa para muling makapiling ang kanilang mga pamilya.

Sa isang panayam, sa tulong ng isang interpreter mula sa Vietnamese Embassy sa Pilipinas, sinabi ni Tran Hoang Kim na labis ang kanilang pasasalamat kay Pangulong Duterte sa desisyon nitong pabalikin na sila sa Vietnam.

Aniya, ikinatuwa rin nila ang kabutihang-loob ng mga Pilipino, na tinawag nilang mapagbigay dahil ipinagkaloob ng mga ito ang kanilang mga pangangailangan at inalagaan silang mabuti.

Nasiyahan din ang mga dayuhan sa ibinigay na seguridad sa kanila upang tiyakin ang kanilang kaligtasan.

(LIEZLE BASA INIGO)