Nagsagawa ng noise barrage ang mahigit 400 bilanggo ng Navotas City Jail upang tutulan ang ipinatutupad ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na cashless system sa nasabing piitan.
Dakong 3:00 ng hapon nitong Martes nagsimulang mag-ingay ang mga preso sa kani-kanilang selda; sabay-sabay sumigaw at pinagkakalampag ang kani-kanilang selda, para makatawag-pansin sa mga awtoridad.
Ayon sa mga kaanak ng mga bilanggo, ipinatutupad umano ang cashless system sa Navotas City Jail para sa pagkain ng mga preso sa kooperatiba ng mga jail guard na mas mataas ang presyo.
Ayon naman sa BJMP, walang katotohanan ang mga sinasabi ng mga inmate at ipinagdiinang bawal magpasok at maglabas ng pera sa piitan upang maiwasan ang drug trade, katulad ng nangyari sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
(Orly L. Barcala)