Agaw-buhay ang isang driver makaraan siyang pagsasaksakin ng lalaki na sinita niya dahil sa malakas na pagkanta sa videoke sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ginagamot ngayon sa ospital si Dario Torres, 24, ng Barangay Panghulo, ng nasabing lungsod, dahil sa mga saksak ng ice pick sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Wanted naman sa batas si Jinggoy Macosme, 25, ng Ilang-Ilang Street, Bgy. Tanza, Navotas City na tumakas matapos ang pananaksak.
Base sa report, dakong 1:00 ng umaga nang magising si Torres dahil sa malakas na pagkanta ni Macosme na nagbi-videoke habang nakikipag-inuman sa selebrasyon ng kaarawan sa kapitbahay ng una.
Lumabas ng bahay si Torres at kinumpronta si Macosme, na humantong sa panununtok ng una sa huli.
Dito na binunot ni Macosme ang dala niyang ice pick at pinagsasaksak ang biktima. (Orly L. Barcala)