Sa gitna ng patuloy na pag-atake laban sa kanya, pinabulaanan kahapon ni Senator Leila de Lima ang mistulang paglalarawan sa kanya bilang isang immoral na babae at bilang protektor ng mga drug convict.

Sa kanyang pagbisita kahapon sa mga estudyante at guro ng Miriam College sa Quezon City, inamin ni De Lima na may mga pagkakamali siya sa buhay ngunit kailanma’y hindi umano niya ipinagkanulo ang bansa gaya ng nais iparating sa publiko ng kanyang mga kritiko.

“I am not a slut. I am not a bad and evil woman or a slut they are trying to portray the past few weeks. I have not partied with or slept with any drug convict,” pahayag ni De Lima.

“Yes I made mistakes and when I do make mistakes in my personal life, I pick up the pieces and move on. But never did I betray my country,” diin niya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni De Lima na nangangamba siya na nagsisimula nang maniwala ang ilan sa “relentless and vicious” na pag-atake laban sa kanya, sa pangunguna umano ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa ngayon.

Bukod sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP), nahaharap din si De Lima sa mga kasong drug trafficking sa Department of Justice (DoJ) at kinasuhan din kamakailan ng pagtanggap umano ng drug money mula sa sinasabing Eastern Visayas drug lord na si Kerwin Espinosa, anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.

“I have not benefited from the drug trade. I am not the Queen of the Drug Trade of the Bilibid. I am not the mother of these drug lords.”

Kaugnay nito, pagsasamahin na lang umano ng DoJ ang dalawang reklamo ng drug trafficking laban kay De Lima.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ngayong araw nakatakdang maglabas ng department order para sa panel of prosecutors na magsasagawa ng preliminary investigation.

Dalawang reklamo na ang inihain sa DoJ laban kay De Lima, ang una ay inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption at ang ikalawa ay isinampa ng mga dating opisyal ng National Bureau of Investigation na sina Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala. (Hannah L. Torregoza at Beth Camia)