Muling magbabalik aksiyon si dating world rated flyweight Rey Megrino sa pagkasa kay dating Indonesian featherweight champion Jason Butar Butar sa Sabado sa Convention Towers & Exhibition Center sa Hong Kong.

Magsisilbing undercard ang sagupaan nina Megrino at Butar Butar sa pagdedepensa ng walang talong taga-Hong Kong na si Rex Tso ng kanyang WBC ABC super flyweight belt sa wala ring talong Hapones na si Ryuto Maekawa para sa bakanteng WBO International super flyweight crown.

Napatanyag si Megrino nang patulugin sa loob ng tatlong round si dating WBC flyweight champion Pongsaklek Wongjongkam noong 2012 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Nawala siya sa WBC rankings nang umakyat ng timbang at sa kanyang huling laban noong nakaraang Abril 1 sa Bacolod City ay nagtabla sila ng Japan-based Pinoy boxer na si Jonathan Baat para sa interim OPBF bantamweight title.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Lalaban din sa undercard ng Tso-Maekawa bout si dating Philippine lightweight champion Jay Solmiano laban sa knockout artist na si Chaloemporn Sawatsuk ng Thailand gayundin si Japan-based lightweight Jerome Mercado laban kay WBC Continental Americas super featherweight champion at walang talong si Paul Fleming ng Australia. (Gilbert Espeña)