Patuloy na nagpapagaling at nagpapahilom ng sugat ang isang junk shop helper matapos magtamo ng saksak na kagagawan ng anak ng kanyang amo sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Nasa maayos nang kondisyon ang biktimang si Gil Pandato, 34, stay-in helper sa RTB Junkshop na pagmamay-ari ni Remegio Bernardo, at matatagpuan sa 359 Honorio Lopez Boulevard, Balut, Tondo, Maynila.
Samantala, arestado naman ang suspek na anak ni Remigio na si Lawrence Bernardo, 36, miyembro ng Sigue-sigue Sputnik Gang, ng 137 San Pedro Street sa Balut, Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Redentor Ulsano, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 6:30 ng umaga nangyari ang insidente sa ikatlong palapag ng nasabing junk shop, na ginagawang paupahan.
Nauna rito, naka-duty umano ang biktima sa ground floor at inutusan umano siya ng suspek na umakyat sa ikatlong palapag at tawagin at pababain ang tenant na nakilala lamang sa alyas na “Kuya Taba”.
Gayunman, nagulat ang biktima nang pag-akyat niya sa ikatlong palapag ay sinundan pala siya ng suspek at saka walang sabi-sabing sinaksak sa tiyan.
Kahit sugatan, pinilit ng biktima na tumakas at nagdesisyong pumasok sa kuwarto ni Kuya Taba at saka tumalon sa bintana patungo sa bubungan ng ikalawang palapag ng bahay at saka umuwi sa kanyang bahay.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima ng kanyang kinakasama na si Bernadette Bayotlang para malunasan, habang inaresto ng mga pulis ang suspek sa isinagawang follow-up operation.
Napag-alaman na gumagamit umano ng ilegal na droga ang suspek, ngunit hindi pa batid kung napagtripan lamang niya ang biktima o kung may iba pang motibo sa pananaksak.
Kasong frustrated murder ang isasampa laban sa suspek. (Mary Ann Santiago)