Nalamog ang katawan ng isang 52-anyos na babae makaraang pagtulungang bugbugin ng limang katao matapos umanong murahin ng una ang ina ng isa sa mga suspek sa Pandacan, Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Eden Blanco, basurera, tubong Iloilo City at walang permanenteng tirahan.

Samantala, arestado naman ang dalawa sa mga suspek na kapwa basurero at kinilalang sina Kenneth Ang, 48, tubong Davao City, at kanyang asawang si Rosemarie Zulueta, 48, ng 2394 Tenorio Street, San Andres Bukid, habang pinaghahanap pa ang tatlo nilang kasama.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 4:00 ng hapon noong Linggo nangyari ang pambubugbog sa Quirino Avenue, malapit sa kanto ng Pedro Gil St., Pandacan, Maynila.

Sa salaysay ng live-in partner ng biktima na si Efren Candelario, 42, tubong Samar, at walang permanenteng tirahan, nabatid na nag-iinuman sila ng biktima habang nagluluto ng kanilang pulutan nang lapitan sila ng limang suspek, sa pangunguna nina Ang at Zulueta.

National

DA Sec. Tiu Laurel, nagsampa ng cyber libel case vs 18 ex-Marines, Atty. Levi Baligod, Zaldy Co

Nagulat na lang umano si Candelario nang bigla siyang suntukin sa mukha ni Ang na naging dahilan ng kanyang pagkatumba sa semento.

Matapos nito ay binalingan naman umano ni Ang si Blanco at pinagsusuntok sa mukha hanggang sa mawalan ng balanse.

Dito na aniya pinagtulungang gulpihin ng lima ang biktima at iniwanan lamang nang makitang hindi na makagulapay pa.

Sinubukan umano ni Candelario na humingi ng tulong upang maisugod sa ospital si Blanco ngunit kinabukasan pa niya ito tuluyang naisugod sa Ospital ng Maynila at idineklarang dead on arrival.

Inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa mga suspek, habang patuloy na hinahanap ang kanilang mga kasamahan. (Mary Ann Santiago)