WALA raw masama na ipakita ang sex video ni Sen. Leila de Lima sa kanyang dating driver, ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez.

Kaugnay ito sa ginagawang pagdinig ng House Committee on Justice tungkol sa umano’y talamak na bentahan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP). Sa dalawang magkasunod na pagdinig na ginawa ng committee, isinabit dito ang senadora ng mga tumestigong convicted high profile inmate. Siya raw ang pinagbigyan ng mga napagbentahan, kaya lang nga hindi siya mismo ang kausap ng mga nagbenta. Ang driver daw nito ang kanegosasyon nila.

Mahalaga raw ang sex video, ayon naman kay justice secretary Vitaliano Aguirre. Pinagtitibay nito aniya na nagawa ng driver ang alegasyon na siya ang kumikilos sa loob ng bilangguan para sa senadora dahil sa kanilang relasyon.

Ang nais gawin ng mga nasa House justice committee ay malinaw na paninira, totoo man o hindi ang sex video. Kahit ba fact-finding ang imbestigasyong ginagawa ng committee, na ito ang idinadahilan ni Alvarez kaya pahihintulutan niya ang paglabas ng sex video, may limitasyon naman dapat na sundin tungkol dito. Morality at decency ang mga napakahalagang panuntunan na dapat isaalang-alang lalo na iyong mga nasa gobyerno tulad ng mga kongresista. Sila ay dapat magbigay ng magandang ehemplo sa taumbayan kaakibat ng kanilang tungkuling mamuno at magpasunod.

Bakit malinaw na ang layunin ng pagpapalabas ng sex video ay siraan at ipahiya lamang si De Lima? Ang sinasabi ni Aguirre na para ipakita na kaya nagawa ng kanyang driver ang makipag-usap sa mga nakakulong kaugnay ng pagbebenta ng droga at pagkolekta ng mga napagbentahan para sa kanyang kandidatura ay nailabas na sa pamamagitan ng testimonya ng mga high profile inmate. Hindi na kailangang ipalabas pa ang sex video na ang layunin ay ipakita ang pribado at personal na relasyon ng senadora sa kanyang driver.

Hindi naman maikakaila na nasa likod ng imbestigasyon ay si Pangulong Digong. Batay sa mga paulit-ulit niyang pahayag, malinaw na ginagamit niya ang imbestigasyon para makaganti sa senadora. Noon siya pa ang alkalde ng Davao, idinadawit na siya ng senadora na noon ay Commission on Human Rights chairperson, sa mga extrajudicial killing na nangyari sa kanyang siyudad. Hanggang ngayon, ito pa rin daw ang kanyang ginagawa. Kaya, siya raw ang inaapi ni De Lima, hindi si De Lima ang inaapi niya na siyang reklamo ng senadora.

Hindi sa ikabubuti ng bayan ang nangyayaring ito. Ginagawa lamang ng mga mambabatas na palengke ang Kongreso.