Simula sa Oktubre 1, muling ipatutupad ang Unified Vehicle Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa lahat ng lansangan sa Parañaque City matapos bawiin ng pamahalaang lokal ang suspensiyon nito, inihayag ni Mayor Edwin Olivarez kahapon.
Upang agarang masolusyunan ang matinding problema sa trapiko sa lungsod, inatasan din ni Olivarez ang lahat ng concerned offices na ipatupad ang total truck ban, alinsunod sa ordinansang panlungsod.
“There is an increase in the volume of traffic in Parañaque for the past five years and it is become unacceptable,” katwiran ni Olivarez.
Tulad sa ibang siyudad sa Metro Manila, ang number coding scheme para sa pribadong motorista ay 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi. Ang truck ban naman ay 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi. (Bella Gamotea)