Mapua, asam makahabol sa ‘twice-to-beat’ ng Final Four.

Naisalba ng Mapua ang kampanya na makapasok sa Final Four. Ngayon, ang pagkakataon na makasikwat ng twice-to-beat incentives ang tatangkain ng Cardinals.

May nalalabi pang dalawang laro ang Mapua – laban sa nangungunang Arellano University (13-3) at No.3 University of Perpetual Help (11-5) – sa elimination round ng NCAA Season 92 basketball tournament.

Kung malalagpasan ng Cardinals ang dalawang balakid sa kanilang hangarin, makukuha nila ang pagkakataon para sa No.2 slot at ang kaakibat na ‘twice-to-beat’ incentive.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakopo ng Cardinals ang No.4 spot sa Final Four nang gapiin ang sibak ng St. Benilde Blazers, 69-59, Huwebes ng gabi sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Hataw si Allwell Oraeme sa natipang 16 puntos at 19 rebound para sandigan ang Mapua sa pagsikwat sa ika-11 panalo sa 16 na laro. Patuloy naman ang pighati ng Blazers na sumadsad sa 0-16.

"Masaya tayo. Nakasiguro na tayo sa Final Four, kahit medyo nahirapan tayo,” pahayag ni Mapua coach Atoy Co.

Matikas na nakihamok ang Blazers na nagawang makadikit sa kabuuan ng laro. Nagawang mailarga ng Mapua ang 15-5 run, tampok ang putback ni Justin Serrano, para makalayo sa double digit na bentahe (65-53) mula sa dikit na 50-48 may 2:01 ang nalalabi a laro.

Nag-ambag sina Joseph Eriobu at CJ Isit sa naiskor na 13 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna sa Blazers sina Gerald Castor, Clement Leutcheu at Carlo Young na kumana ng tig-10 puntos.

Iskor:

MIT (69) - Oraeme 16, Eriobu 13, Isit 8, Menina 8, Serrano 8, Victoria 6, Estrella 4, Bunag 2, Orquina 2, Raflores 2, Aguirre 0.

CSB (59) - Castor 10, Leutcheu 10, Young 10, Domingo JJ 7, Belgica 6, Dixon 3, Pasamante 2, Pajarillaga 0, Pili 0, Saavedra 0, Suarez 0.

Quarterscores:

11-18, 31-29, 50-46, 69-59.