URDANETA CITY, Pangasinan – Limang umano’y carnapper ang napatay sa sagupaan sa mga operatiba ng Highway Patrol Group (HPG) at Urdaneta City Police sa Bulaoen-Casantaan Road sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Supt. Marceliano Desamito, Jr. acting Urdaneta City Police chief, dakong 2:38 ng umaga kahapon nang makaengkuwentro ng awtoridad ang mga umano’y miyembro ng Rent Tangay carnapping group, na nambibiktima sa Metro Manila, Pampanga at Tarlac.

Kinilala ang mga napatay na sina Jomar Delos Santos, 23, ng Barangay Masapit, San Miguel, Bulacan; Ronnie Chico, ng Bgy. Arcinas, San Miguel, Bulacan; Arnold Bandara, 30, ng Bgy. Bass, Trento, Agusan Del Sur; at Gilbert Tiomico, 23, ng Sta Mesa, Maynila; habang ang isang hindi pa nakikilala ay nakasuot ng puting T-shirt at asul na maong pants.

“Nagmula ang mga ‘yan sa La Trinidad, Benguet, kung saan na-monitor ang mga ito ng HPG. Dahil nagsitakas, sinundan ito patungong Pangasinan hanggang sa makorner sa Urdaneta checkpoint, pero nakipagbarilan sa awtoridad,” sinabi ni Senior Supt. Ronald Lee, acting Pangasinan Police Provincial Office director, nang kapanayamin sa radyo.

Probinsya

13-anyos na babae, hinalay matapos mangaroling

Dagdag ni Lee, na-chop-chop na ang mga parte ng mga sasakyang ninakaw ng grupo nang matagpuan ng HPG sa La Trinidad.

Bukod sa pagiging kilabot sa carnapping, kumpirmadong sangkot din sa bentahan ng droga ang grupo, ayon kay Lee.

Narekober ng pulisya mula sa mga suspek ang apat na .45 caliber pistol, ilang uniporme ng pulis at mga ID.

(Liezle Basa Iñigo)