Impresibo ang naging panalo ni Bite My Dust sa 2016 JRA Cup nitong Linggo sa MetroTurf kahit na medyo atrasado pa ito sa kanyang salida sa simula ng karera.
Pero napagtiyagaan ito ng regular rider nitong si Jesse Guce kung kaya’t hindi nito inalintana ang remateng ginawa ng kanyang nakalabang magka-coupled entry na Absoluteresistance at Brennero para manalo sa highlight event ng Japan Racing Festival sa Malvar, Batangas.
Isang magandang tropeo at first prize na P300,000 ang tinanggap ni Tony Tan para rin sa kanyang co-owner na si Dr. Nick Cruz habang binigyan din ng mga tropeo sina jockey Guce at ang trainer na si Ruben Tupas ni JRA Chief Representative Hiroyuki Koezuka, na siyang special guest ng host Metro Manila Turf Club sa naturang pagtitipon.
Binigyan ng premyong P112,500 at P62,500 para sa segundo at tersero ang coupled entries ni dating Mayor Benhur Abalos Jr. habang ang pang-apat na si Guanta Na Mera ni Atty. Narciso Morales ay nakasalba ng P25,000. Ang iba pang nagsidatingan ay sina Fun Fest Day, Kundiman, Aerial, ayon sa pagkakasunod.
Sa apat namang mga trophy races na pinaglabanan, nanguna si Ariston ni Eda de la Cruz sa Isuzu Trophy Race ng Isuzu Philippines Corporation habang nanaig naman ang I’m Your Lady ni Patrick Uy sa Hotel Sogo Trophy Race, Real Steel ni Bayani Conching sa Tecson Farm Trophy Race ni Bing Tecson, at Cool Toto sa DLTB Bus Company Trophy Race ni Atty. Narciso Morales.
Maganda ang naging sales ng dalawang araw na karera – P22-milyon noong Sabado habang P30-milyon naman ang Linggo -- kung kaya’t umabot sa P122,000 ang nakuhang gross prize ng mga nanalong horseowners.
Ilan pa sa mga naging special guests noong Linggo ay kinabilangan nina JRA Hongkong Office Representative Masahi Shoju, Japan Embassy First Secretary Kenji Terada at Minister for Economic Affairs Makoto Iyori, GAB Chairman Baham Mitra, Isuzu Philippines Corporation President Hajime Koso at Senior Vice President Arthur Balmadrid, Hotel Sogo Sector Head Nelson Ordonez at Publicity Manager Eugene Santos, Malvar Vice Mayor Alberto Lat, Philtobo President Manny Santos, Philracom commissioners Dondon Bagatsing at Bienvenido Niles Jr., Klub Don Juan de Manila officials, MJCI Racing Manager Ding Magboo, PRCI Director Eric Salido, at maraming iba pa.