SA salitang showbiz at kanto, “laglagan” time na. Kasama ito sa pagbabagong naipangako ng Duterte administration noong panahon pa ng kampanya. Kaya huwag pagtakhan kung bakit may listahan ng pinaghihinalaang mga protektor ng droga, o mismong big-time drug pusher.

Magugunita ang unang bugso ng mga pangalan na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang ibisto niya ang isang Peter Lim ng Cebu City, mga heneral (retirado at aktibo), sabay ang malawak na pagsasanga-sanga ng mga pangunahing personalidad ng droga.

Base sa inilathalang poster ng Pangulo, utak ng lahat ng nito ang China. Sumunod na listahang isinapubliko ay ang mga pasaway na pulitiko.

Ang pinakamataas ay alkalde. May ilang nakapansin, tila kulang ang mga pangalang inihain sa media. Bakit kaya? May isang alkalde sa Central Visayas, na bagamat hindi pinangalanan, ay inalisan ng mga pulis.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isiniwalat din ng Presidente ang ilang pinagdududahang Hukom na konektado o may kinalaman sa kaso ng droga.

Sa ngayon, inaabangan na ng taumbayan ang kasunod na pasabog ni Pangulong Digong– halimbawa, karagdagang pulitiko—gobernador at congressman.

Maging ang mga konsehal at Provincial Board Members na naglalaro o pumopondo sa industriya ng droga, ilaglag na.

Kailangan nang ibisto sa taumbayan at sabay magbitiw sa tungkulin kung ayaw nila mahainan ng patung-patong na kaso.

Sana huwag tigilan ng Duterte administration ang krusada kontra droga at kurapsyon. Mas matimbang na inaabangan ng madla ang mga tiwaling negosyante na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Kailan ibabatingaw ang mga pangalan nila? Andyan din ang nauna nang dighay ni Pangulong Duterte hinggil sa P300M nawawala araw-araw sa Customs dahil sa katiwalian ng dambuhalang smugglers.

Mahal na Presidente, hinihintay po namin ang mga apelyedo ng mga “anak ng…” na mula noon hanggang ngayon nagpapataba ng sariling bulsa gamit ang kani-kanilang “konek” sa mga nagdaang administrasyon, collector ng Customs, Department of Finance at iba pa.

Madali ibisto kung gaano kalaki ang pinapasok na mga “imported” na kagamitan sa ating mga daungan, paliparan, at iba pa. Unang tiktikan ay kung ilang bultong gamit o produkto ang nakalista, halimbawa sa China na ipinapadala sa Pilipinas, at ikumpara sa listahan na nakadeklara sa Customs natin. Huli agad! (Erik Espina)