RIO DE JANEIRO — Sibak na ang nakatatandang kapatid na si Venus. Wala na rin ang tsansa na maidepensa ang women’s double event. Para kay Serena Williams, hindi niya pakakawalan ang pagkakataon na makapag-uwi ng gintong medalya mula sa Rio Olympics.
Nahirapan man ang No. 1-seeded American, nagawa niyang gapiin si Alize Cornet ng France, 7-6 (5), 6-2, nitong Lunes (Martes sa Manila) para makausad sa third round ng tennis competition.
“I just needed to relax. I was missing shots by, literally, centimeters, and I’m not really used to missing those shots,” pahayag ni Williams. “I really had to figure out a way to adjust.”
Sa gitna ng mahirap na laban, gumanti si Williams matapos matalo ng dalawang magkasunod na laro at matapos sirain ang kanyang raketa bunsod ng pagkadismaya.
Matapos masibak ang tatlong No. 1 seed nitong Linggo - Serbia’s Novak Djokovic sa men’s singles, ang tambalan nila ni Venus sa women’s doubles, at ang tambalan nina Nicolas Mahut at Pierre-Hugues Herbert ng France sa men’s doubles – iniwasan ni William na matulad ang kapalaran.
Naging doble ang kabiguan ni Djokovic nang mabigo ang tambalan nila ni Nenad Zimnjic 6-4, 6-4 kontra Marcelo Melo at Bruno Soares ng Brazil. (Isinalin ni Lorenzo Nicolas)