Tatlong sugatang mangingisdang Pinoy ang nailigtas ng isang dumaraang liquefied natural gas (LNG) tanker mula sa karagatan ng Indonesia kahapon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Kinilala ng PCG ang tatlong mangingisda na sina Fernando Ganot, 37; Genesis Omilero, 36; at Samuel Solito, 32, pawang taga-Davao Oriental.

Ayon sa PCG, namataan ng LNG Maleo, isang Japanese gas tanker, ang tatlong mangingisda habang palutang-lutang at nakakapit sa kanilang nakataob na bangkang pangisda sa karagatan ng Indonesia kahapon ng madaling araw.

Agad namang nakipag-ugnayan ang LNG Maleo sa BRP Ilocos Norte ng PCG na nagpapatrulya sa Cape San Agustin dakong 8:00 ng umaga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Commander Arnel Viliran, kapitan ng BRP Ilocos Norte, na Hulyo 29 nang pumalaot ang tatlong mangingisda mula sa Davao Oriental, ngunit pinaghahampas ng alon ang bangka ng mga ito hanggang sa tuluyang tumaob habang pabalik na sila nitong Agosto 1.

Tinangay ng agos ng tubig ang tatlo hanggang sa makarating sa Indonesia sa pagpapalutang-lutang, at nagkasugat-sugat matapos atakehin ng mga alimango at pusit.

“Nakakapit lang sila sa katig ng banka. Every time na nagugutom sila, nagdadasal na lang daw sila kay Lord,” ani Viliran.

Dinala na sa Sta. Ana Wharf sa Davao City ang tatlong mangingisda para magamot. (Argyll Cyrus B. Geducos)