CEBU CITY – Ipinag-utos ng korte ang pagpapalaya sa isang call center agent na nagpanggap na nurse upang makapasok sa isang pampublikong ospital sa Cebu City at tangayin doon ang isang bagong silang na sanggol noong Enero.

Ipinag-utos kahapon ni Regional Trial Court (RTC) Judge Ester Veloso ang pagbasura sa mga kasong kidnapping at illegal detention laban kay Melissa Londres dahil sa kabiguan ng mga pulis at mga complainant na dumalo sa mga paglilitis.

Ayon kay Veloso, hindi napanindigan ng awtoridad ang kaso laban kay Londres dahil sa hindi pagdalo ng mga pulis, gayundin ng mga nagsampa ng reklamo sa akusado sa mga itinakdang paglilitis sa kaso.

Ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 7 ang naghain ng mga kaso laban kay Londres, na matatandaang nagsuot pa ng uniporme ng nurse para matangay ang isang dalawang-araw na sanggol mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Una nang sinabi ni Londres sa mga pulis na anak niya ang sanggol at nagsilang siya sa loob ng taxi. Kalaunan, inamin niyang tinangay niya ang sanggol dahil bigo siyang magkaroon ng sariling anak.

Nabawi ng awtoridad ang sanggol at naibalik sa mga magulang nito.

Samantala, kakasuhan naman ng pulisya ang isang flight attendant na dumukot umano sa isang-buwang sanggol sa Barangay Sambag Uno, Cebu City.

Sinabi ng suspek na si Michelle Collamar na nagawa lamang niya iyon dahil desperado na siyang magkaanak matapos na malaglag ang dalawang ipinagbuntis niya. (Mars W. Mosqueda, Jr.)