PRESIDENT QUIRINO, Sultan Kudarat – Nangangamba ang hepe ng pulisya sa bayang ito na magiging ningas cogon lang ang kampanya nila laban sa krimen dahil sa kawalan ng pondo, sa gitna ng napaulat na hindi umano pagpapakita sa munisipyo ni Mayor Bai Azel Valenzuela Mangudadatu, al hadja, simula nang maiproklama ang pagkapanalo nito.
Sinabi ni Senior Insp. Joseph Galleto na sa sariling bulsa na niya nanggagaling ang panggastos sa gasolina ng police mobile dahil hindi pumapasok sa munisipyo ang alkalde.
Aniya, dalawang oras pa lang niyang nakadaupang-palad si Mangudadatu simula nang maging hepe siya ng President Quirino.
Hinaing naman ng mga konsehal na sina Dominador Vallejos, Jr. at Virgilio Antonio, kabilang sila sa maraming kawani ng munisipyo na hindi tumatanggap ng sahod, na pawang nagrereklamo na rin.
Nang hingan naman ng linaw ang usapin, maging ang mga kawani sa tanggapan ni Mangudadatu ay iisa ang itinutugon:
“Hindi namin alam kung nasaan si Mayora.”
Ayon sa maraming kawani ng pamahalaang bayan, huli nilang nakita ang alkalde nang iproklama itong nanalo sa halalan.
(Leo P. Diaz)