TINANGGAP din pala ni ex-Pres. Fidel V. Ramos ang alok ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) para maging special envoy ng Pilipinas sa China upang tulungan ang gobyerno na maayos ang gusot nito sa dambuhalang bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping.

Nagtungo si FVR sa Davao City noong Sabado ng umaga at unang nakipagkita kay Presidential Assistant on the Peace Process Jesus Dureza sa Marco Polo Hotel. Pagkatapos, nag-usap sila nang masinsinan ni Mano Digong at tinalakay ang mga parameter at aksiyong isasagawa tungkol sa kanyang misyon na lubhang sensitibo at delikado.

Ayon sa 88-anyos na dating Pangulo at ex-Defense Secretary, tinanggap niya ang alok ni President Rody dahil binigyan na siya ng “go signal” ng kanyang mga doktor. Pumayag na rin daw ang kanyang “commander” na si Mrs. Ming Ramos na nag-aalala sa kanyang kalusugan. Siya ngayon ay may bagong lagay na pacemaker sa dibdib upang tulungan ang kanyang puso. Bumalik din sa Maynila si FVR noong hapon lulan ng Philippine Air Lines.

Naniniwala si RRD na malaki ang maitutulong ni Mr. Tabako upang maayos ang gusot ng ‘Pinas sa China. Magaling na Heneral si FVR at batid nito ang mga kaukulang hakbang upang mapalambot ang kalooban ng China na nagtamo ng legal setback sa international tribunal noong Hulyo 12 pabor sa Pilipinas nang pawalang-saysay ng Arbitral Tribunal ang nine-dash line claim nito sa West Philippine Sea at South China Sea.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Samantala, hindi papatulan ng Senado ang panawagan at plano ng mga kritiko ni Sen. Leila de Lima na siya ay isailalim sa imbestigasyon ng Senado. Sinabi ni incoming Senate Pres. Koko Pimentel na walang dahilan upang imbestigahan si De Lima maliban na lamang kung may formal complaint laban sa kanya. Siya ay inaakusahang ng pag-coddle umano sa mga drug lord sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

May alegasyon na nabigo ang senadora na mapigil ang paglaganap ng illegal drugs sa NBP noong siya pa ang Kalihim ng Department of Justice. Inihayag ni Solicitor General Jose Calida, ipaiimbestiga niya si De Lima kung bakit siya ay nakunan ng larawan na “rubbing elbows” sa isang convicted drug lord sa loob ng NBP. Itinanggi ito ng senadora.

Ayaw ni Mano Digong na tawagin siyang “His Excellency”. Nais din niyang huwag tawagin ng “Honorable” ang mga miyembro ng kanyang gabinete. Sa panig ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na magpapalabas na rin siya ng isang memorandum circular na nagtatanggal sa terminong “Honorable” sa mga miyembro ng komisyon. Mabuhay ka, Mang Andres.

Tuwing weekends, magtutungo si Vice Pres. Leni Robredo sa mga probinsiya upang dalawin ang malalayong sityo at baryo sa kapuluan. Tapat at tunay sa kanyang pamosong linya na tatangkilikin at tutulungan ang mga “nasa laylayan ng lipunan”, sinabi ni beautiful Leni na gusto niyang personal na malaman ang mga problema ng mga tao sa kanayunan upang sila’y matulungan para maingat ang kanilang kalagayan sa buhay.

Aba, papaano ngayon ito, Sen. Bongbong Marcos? Mauunahan ka ni VP Leni sakaling mag-return bout kayo sa 2022 presidential election. (Bert de Guzman)