SA tagumpay ng Pilipinas laban sa China tungkol sa kaso nito na inihain sa Permanent Court of Arbitration (PCA), pinaalalahanan ng US ang dambuhalang nasyon na irespeto bilang “responsible global power”, kailangang tumalima ito sa UN-backed arbitral court ruling na nagpapawalang-saysay sa expansive maritime claims nito sa West Philippine Sea (WPS). Ang paalala ay mula kay US State Department spokesman John Kirby na ipinaabot sa China bunsod ng pagtanggi at hindi pagkilala ng dragong bansa sa desisyon ng arbitral court na nakabase sa The Hague, Netherlands.

Ibinabando ng China na kanilang pag-aari ang halos kabuuan ng South China Sea (SCS) batay sa historic rights at ng inimbentong nine-dash line kung kaya’t saklaw nila ang lahat ng territorial waters. Kung ang lohika ng bansa ni Pres. Xi Jinping ang susundin, pag-aari pala ng India ang buong Indian Ocean at mga tubig at dagat na saklaw nito dahil ito ay tinatawag na Indian Ocean. Pero, kakaiba sa China, hindi inaangkin ng India ang gayong kalawak na karagatan.

Samantala, inalok ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) si ex-Pres. Fidel V. Ramos na maging special envoy ng ‘Pinas sa China upang simulan ang pakikipag-usap sa Chinese officials para plantsahin ang gusot sa WPS kasunod ng paborableng kapasiyahan ng PCA o Arbitral Tribunal sa kaso ng ating bansa laban sa 9-dash line na umaangkin maging sa mga isla, reef, atoll at iba pa na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ).

Batay sa PCA ruling, walang legal basis ang expansive territorial claims ng China sa South China Sea, lalo na ang WPS, na talagang teritoryo ng ‘Pinas. Habang sinusulat ko ito, hindi pa tinatanggap o tinatanggihan ni FVR ang alok ni Mano Digong na lumipad sa China. Naniniwala si President Rody na isang credible leader si Mr. Tabako at maaaring makumbinsi niya ang Chinese officials na maging “malambot” at mabait sa Pilipinas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kalmado lang si Mano Digong matapos ang tagumpay ng bansa sa kaso sa Arbitral Tribunal. “A war is not an option. We will go for peaceful talks. I would like to respectfully ask him (Ramos) to go to China and start the talks,” magalang na pahayag ni RRD sa testimonial dinner na inorganisa ng San Beda College Alumni Association na ginanap sa Club Filipino. Isang moral victory para sa bansa at sa mga Pilipino ang desisyon ng PCA laban sa dragong China na may 1.3 bilyong populasyon.

Sa kabilang dako, si PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ay inaanak pala sa kasal ni Duterte kung kaya’t sila’y masyadong magkalapit. Sinabi ni Gen. Bato na sapul nang maupo si Mano Digong, ang mga krimen tulad ng murder, homicide, rape at robbery, ay bumaba bunsod ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa mga kriminal. Itutuloy din ni Bato ang pagsugpo sa illegal drugs na tatapusin niya sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Kelan kaya niya ilalabas “nang pahiga” ang mga drug lord sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na nasa likod daw ng pagluluto ng mga shabu?

Nang dumalaw si Cebu Cardinal Ricardo Vidal sa Malacañang, malugod siyang tinanggap ni President Rody. Nagmano pa ang Pangulo at lumitaw na naman ang tunay niyang katauhan, mabait, malambot at simpleng tao, tulad ng pag-iyak niya sa puntod ng kanyang mga magulang nang malamang siya na ang bagong Pangulo. Pusong-bakal si RRD laban sa mga kriminal, subalit pusong-mamon sa mga ordinaryong bagay at pangyayari. (Bert de Guzman)