Mahigit 100 drug pushers at users ang sumuko sa mga tauhan ng barangay sa Islamic Center, San Miguel, Maynila kahapon.
Ayon kay Barangay Chairman Faiz Macabato, ng Barangay 648, Zone 67, ang pagsuko ng mga drug offender ay kasunod na rin ng patuloy nilang pakikiusap sa mga ito na magbagong-buhay na.
Nagbunga naman aniya ang kanilang pakikiusap at kusang lumapit ang mga naturang drug personalities sa barangay at nagsabing handa na silang sumuko.
Kaugnay nito, umapela naman sa pamahalaan ang kapitan na mabigyan ng disenteng mapagkakakitaan ang mga sumukong drug offenders upang hindi na matukso ang mga ito na bumalik pa sa kanilang ilegal na gawain.
Nabatid na sa mga nagsisuko, 15- taong gulang ang pinakabata na aminadong gumagamit siya ng shabu, habang 63-anyos naman na lolo ang pinakamatanda, na nagsabing natatakot na siya para sa kaniyang buhay kaya nagpasya nang lumapit sa mga awtoridad.
Ang mga sumukong drug offenders ay dinala ng mga barangay official sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 8 upang makuhanan ng profile at panumpain na hindi na babalik sa masamang gawain.
Libu-libong drug personalities na ang unang sumuko sa pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular sa Maynila, upang magbagong-buhay. (Mary Ann Santiago)