Nauunawaan umano ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo ang pagkaubos ng mga miyembro ng Liberal Party (LP) sa ilalim ng Duterte administration.
Sa paglayas ng kanyang party mates, sinabi ni Robredo na balik na naman sa dati ang LP.
“Nagsimula naman kami sa kaunti. Naging administrasyon, dumami. Ngayon bumalik ulit sa kaunti,” sinabi ni Robredo, at idinagdag na normal lang umano ito sa partido.
Karamihan sa miyembro ng LP ay naglipatan na sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ni Robredo na ipinauubaya niya sa mga LP congressman kung ano ang magiging papel nila sa kasalukuyang administrasyon.
“Iyong several meetings na dinaluhan ko sa kanila, ang sinabi ko sa kanila, huwag nila akong isipin. ‘Huwag ninyo ako isipin, mag-decide kayo on your own. Kung ano magiging desisyon ninyo, I will support you on it,’” ayon kay Robredo.
“Tingin ko naman kasi, hindi ko dapat pakialaman ‘yong desisyon ng mga House of Representatives kasi para namang iba ‘yong parameters na ginagalawan nila, mayroon silang mga constituents na kailangang isipin,” dagdag pa nito.
(Raymund F. Antonio)