BAGUIO CITY - Patay sa shootout ang top most wanted sa mga kaso ng ilegal na droga at homicide, makaraang manlaban ito sa anti-narcotics operatives nitong Sabado sa Barangay Lower Brookside sa siyudad na ito.
Kinilala ni Senior Supt. George Daskeo, director ng Baguio City Police Office, ang napatay na si Resty Sotero, most wanted drug personality sa Cordillera, batay sa talaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Anti-Illegal Drug Operation Task Group ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera.
Nabatid kay Daskeo na nangyari ang raid habang inihahain ang arrest warrant laban kay Sotero, dakong 10:00 ng gabi, sa bahay ng suspek.
Tatlo pang lalaki ang dinakip makaraang mahulihan ng ilegal na droga at drug pharaphernalia, na nakilalang sina Hilario Manuel, 35; Jonard Wansi Manuel, 26; at Reservoir Quelala, 35 anyos.
Ayon kay Daskeo, nang dumating ang mga operatiba para ihain ang warrant of arrest ni Sotero sa kasong homicide ay bigla umano nitong pinaputukan ang mga pulis na nauwi sa engkuwentro.
Sinabi naman ni Chief Supt. Elmo Sarona, director ng PRO-Cordillera, na nakatutok ngayon ang pulisya sa kampanya laban sa kriminalidad, partikular sa paglaban sa ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, nasa 840 drug suspect na ang sumuko sa awtoridad, habang 22 drug pusher naman ang nadakip.
(Rizaldy Comanda)