SA ngayon, kung may inaasahan ang mga Pilipino mula kay President Rodrigo Roa Duterte (RRD), ito’y walang iba kundi ang pagbabago (“change is coming”) na ipatutupad niya sa bansa. Kabilang dito, ang mabisa at unti-unting paglipol sa mga drug lord, pusher, user, smuggler, rapist-murderer at maging ang kurapsiyon sa mga departamento at tanggapan ng gobyerno.
Nangako si President Rody na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at hindi niya nabura ang illegal drugs sa kapuluan, siya ay magbibitiw at ibibigay ang poder ng panguluhan sa kanyang bise presidente. Eh, sino ba ang pangalawang pangulo ngayon? ‘Di ba si beautiful Leni Robredo na tumalo kay Sen. Bongbong Marcos, matalik na kaibigan ni President Digong, na ayaw niyang saktan ang damdamin kung kaya’t parang ayaw niyang bigyan ng cabinet post ang biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo.
Sana ay masugpo ni President Rody ang ilegal na droga sa Pilipinas upang wala na tayong mababalitaang isang anak na pumatay sa kanyang ina o ama dahil sa pagkalango sa bawal na gamot, isang ina na pumatay sa kanyang 3 taong gulang na anak dahil naka-droga, isang apo na pumugot sa kanyang lola o ng isang bangag na lalaking gumahasa sa isang paslit at pinatay pa ito.
Determinado rin si Gen. “Bato” o PNP Chief Director General Ronaldo Dela Rosa na ganap na masugpo ang illegal drugs, itumba ang mga drug lord, trafficker at ilabas nang “pahiga” ang mga high-profile inmate sa New Bilibid Prison (NBP) upang epektibong ma-control ang patuloy na paglaganap ng mga ilegal na droga, na pumipinsala sa utak ng mga kabataang Pilipino na ayon kay Rizal ay “pag-asa ng bayan.”
Isa pang posibleng maasahan mula kay Digong ay ang pagsusulong ng tunay na peace talks sa Communist Party of the Philippines. Noong Miyerkules, may 30,000 Reds ang nagmartsa sa mga lansangan ng Davao City upang purihin ang peace-building efforts ng Duterte administration. Sana ay magtagumpay ang pagsisikap na ito upang mawala na sa bansa ang pamiminsala ng kilusang komunista sa buhay ng mga Pinoy.
Para kay dating DepEd Secretary Armin Luistro ang pakikipag-usap at pakikisalamuha sa mga reporter ay parang pagsasanay sa isang dragon. Si Luistro ang pinakamahirap na Kalihim sa gabinete ni ex-Pres. Noynoy Aquino. Lahat ng cabinet member ay mga milyonaryo, pero batay sa SALN ni Luistro, mayroon lamang siyang mahigit P500,000 networth.
Siyanga pala, Mr. Luistro, bakit ang napili mong simbolo ay dragon samantalang ang hayop na ito ay isang “imaginary animal” lang, hindi ito isang tunay na hayop.
Para kay Speaker Feliciano Belmonte Jr. walang tsansa (zero chance) na ma-impeach si President Rody sa 17th Congress.
Ang kumakalat daw na “rumor” tungkol sa impeachment ni RRD ay halos imposible dahil hawak niya sa leeg ang mga kongresista. Ito raw ay maituturing na “divisive or harmful to the nation”. Dapat daw ay bigyan ng tsansa ang machong presidente na rendahan ang gobyerno nang walang isyu ng impeachment. Uli, welcome President Rody at sana ay maisulong mo ang mga pagbabago para sa minamahal nating Pilipinas. (Bert de Guzman)