Simpleng inagurasyon.
Ito ang nais ni Vice President-elect Leni Robredo makaraang mapili niyang idaos ang seremonya sa Quezon City Reception House, na magsisilbing tanggapan niya.
Sa pahayag ng chief of staff ni Robredo na si Boyet Dy, na pinuno rin ng transition committee, ang inagurasyon ay idaraos dakong 9:00 ng umaga sa Huwebes, Hunyo 30.
“Minabuti nating sundan ang ginawa ni President-elect Rodrigo Duterte, na nagpasyang gawin ang kanyang inagurasyon sa Malacañang, kung saan siya mag-oopisina. Kaya gagawin natin ang inaugural sa Quezon City Reception House, na magiging opisyal na opisina ng ating pangalawang pangulo,” ani Dy.
Tampok sa seremonya ang maikling programa, na manunumpa si Robredo sa dalawang barangay chairman: kay Rolando Coner, chairman ng Barangay Punta Tarawal, ang pinakamaliit, pinakaliblib at pinakamahirap sa ikatlong distrito ng Camarines Sur; at kay Regina Celeste San Miguel, chairperson ng Bgy. Mariana na nakasasaklaw sa QC Reception House.
Aabot lang sa 300 ang inaasahang bisita ni Robredo sa inagurasyon.
Ayon kay Dy, hiniling din ni Robredo sa mga kinatawan ng mga sektor na nakatrabaho ng bise presidente bilang abogado na magsidalo ang mga ito sa okasyon.
“Pinakabilin niya is tiyakin na 'yung bawat sektor na matagal niyang nakasama at pinagsilbihan bilang abogado ay nandoon, kasama na ang kababaihan, magsasaka, mangingisda at manggagawa,” sabi ni Dy, at idinagdag: “Wala pong seat plan, free seating po ito.” (Rommel P. Tabbad)